nagising ako pasado alas-dos na ng hapon. naramdaman ko ang gutom kaya ako'y bumangon at marahang naglakad patungo sa hapag-kainan. nakatakip ang mga pagkaing pinagsaluhan kaninang tanghalian - inihaw na tilapia, swam na mais at ensaladang pako. may nakatimplang iced tea sa pitsel. lalo kong naramdaman ang gutom.
kumuha na ako ng plato at sumandok ng kanin. pinuno ko ang aking king kong tumbler ng iced tea at umupo sa aking nakagawiang puwesto sa mesa. nakahanda na aking sarili sa paglusob sa piyesta sa aking harapan. naisip kong mas masaya sana kung may kasabay akong kumain. sayang na hindi ako nagising ng mas maaga. siguro hindi na ako ginising ni mama kaninang tanghalian para makapagpahinga ako ng mabuti.
sa pagkuha ko ng kamatis at bagoong ay napansin kong papalapit sa akin si lola. niyaya ko siyang kumain.
sa edad na walumpu at lima ay nasa ikalawang pagkabata na si lola. ulyanin na siya at kailangang may bantay. hindi na bago kung makita naming naiwang nakabukas ang gripo sa banyo o nakabigkis ang mga bagong-labang damit na minsan ay basa pa. ang mga bulsa ng duster ni lola ay parang bulsa ni doraemon - madami at kung anu-ano ang laman.
kaagad namang umupo si lola sa tabi ko. limot na niya ang pagkain kaninang tanghalian. ang isang taong kumakain ay hudyat na siya ay kakain din.
ikinuha ko siya ng plato, kubyertos at baso. isinandok ko rin siya ng kanin, ikinuha ng ulam at binigyan ng iced tea. nakangiti siyang itinuro ang baso ng iced tea. gustung-gusto kasi ni lola ng mga inuming "may kulay."
ipinanghihimay ko siya ng tilapia nang siya ay nagsalita. sa aking pagkakaintindi ay iniimbitahan niyang kumain ang kanyang kausap na nasa aking likuran. sa isang bihirang pagkakataon ay nagwika ng tagalog si lola.
ngumingiti lang siya. ayaw naman tayong saluhan sa pagkain.
natigilan ako sa paghihimay ng tilapia. parang kilala ko kung sino ang kausap ni lola.
lola baka busog naman si lolo. gusto lang niya tayong bisitahin. sagot ko.
lumingon ako at kinausap ang aming bisita.
lo, susunduin mo na si lola?
hindi ko alam ang naging kasagutan. nagpatuloy kami ni lola sa pagkain.