Friday, April 9, 2010

sa hardin

sa wakas natanggal ko na rin lahat ng damong-ligaw sa paligid ng mga mumunting halamang-ugat. masaya na ang mga binhi. nakikita ko ang ngiti at galak sa kanilang mga luntiang dahon na mistulang kumakaway at nagpapasalamat.

tumayo ako at huminga nang malalim. mula sa aking kinatatayuan ay aking pinagmasdan ang mundo sa aking paligid. pakiramdam ko'y nasa ibang lugar ako; wala sa aming tahanan. isang tagong lugar na malayo sa ingay at gulo, payapa at ligtas. marahil ganito rin ang naranasan ng mga nilalang na malapit sa mga halaman, mga bulaklak at punong-kahoy.

ginising ako ni mama kaninang nagbubukangliwayway. patungo siya ng palengke upang bumili ng ulam. espesyal daw ang kanyang bibilhin dahil uuwi mga kapatid ko. kumpleto ang aming pamilya ngayong sabado. nang aking tanungin kung anong espesyal na ulam ang kanyang bibilhin, kumunot ang aking noo at nagsalubong ang aking mga kilay.

sugpo. hindi ako kumakain ng sugpo. kung nais kong kumati ang aking dila at buong bibig at magpantal ang buong katawan, saka lang ako kakain ng sugpo. hipon, sugpo, alimango at alimasag. mga pagkaing ikinatutuwa ng karamihan kahit may kamahalan. para sa akin, mailalagom ang mga nabanggit sa iisang salita, BAWAL.

bago umalis si mama ay inihabilin niya sa akin ang dalawang gawain. una, linisin ang bahay. ikalawa, paliguan ang kanyang mga halaman. napakadaling mga gawain kung iaatas sa tulad kong masinop. sa aking propesyon ay tangan ko ang yeso na sa ngayon ay pinalitan na ng white board marker. habang nasa bahay ay tangan ko naman ang walis at pamunas. hindi na bago sa akin ang maglinis ng bahay ngunit at pagpapaligo sa mga halaman ay hindi ko madalas gawin.

mabilis kong natapos ang paglilinis. tinungo ko ang gripo at pinihit ang liyabe. hinila ko ang mahabang hose at nagsimulang basain ang lupa sa harap ng bahay. makaraan ang ilang sandali ay aking binuksan ang harang papasok ng hardin. nakabakod ang hardin ni mama upang hindi masalanta ng mga mapaglarong kambing at tupa ang kanyang mga tanim.

sinimulan kong paliguan ang mga halaman. iniba ko ang posisyon ng aking daliri sa dulo ng hose upang hindi gaanong malakas ang tubig. ang mga rosas ang aking uunahin. sa pagtapat ko sa kanila, aking naalala ang isa pang bilin ni mama, kausapin mo ang mga halaman.

natawa ako. matatanggap ko pang ako'y pagkatuwaan sa aking paglilinis sapagkat sinasabayan ko ito ng pagindayog sa mga awit nina ate lady gaga at beyonce. naisip ko, kakaiba ang pakikipagusap sa halaman. paano na lang kung masilayan ako ng mga kapitbahay? masisira ang aking kagandahan.

sige na nga. wala naman sigurong masama kung susubukan. ang gaganda niyo naman mga bulaklak. kumusta kayo?

kung hindi ba naman ako kulang-kulang, naghintay ako ng kasagutan na wala naman. sabagay, ano kaya ang aking gagawin kung sa isang iglap ay nagsalita ang mga rosas?

natawa ulit ako. masaya pala ito. at siguro nga ay kulang-kulang din talaga ako. kung aking iisiping mabuti, maihahalintulad ko ito sa isang therapy. hindi man nakakapagsalita ang mga bulaklak, sumasagot sila at nakikipagusap. ganun din ang iba pang halaman sa hardin ni mama. marahil ay sadya lamang mapaglaro ang aking imahinasyon.

matapos sa mga rosas ay kinausap ko habang pinapaliguan ang mga orchids, sunflower, at zinia. mayamaya lang ay ang mga halamang gamot tulad ng oregano. tapos ang mga batang punongkahoy tulad ng madrecacao, narra, suha, at atis. maiintindihan mo sila kung alam mo ang kanilang salita. tumingin ako sa aking paligid. dito sa kanilang mundo, sa kanilang kaharian, iba ang pakiramdam.

may itinanim din si mama na kamote at kamoteng-kahoy. kapansin-pansin ang mga damong-ligaw sa paligid ng mga tanim. ako'y umupo at nagsimulang bunutin ang mga ito. nawala sa aking isipan ang oras na lumipas.

narinig ko ang tinig ni mama. nakabalik na pala siya. tamang-tama lamang na tapos na rin ako sa pagpapaligo ng mga halaman at pagtanggal ng mga damong-ligaw.

isang matamis na ngiti ang namutawi sa aking mga labi. bukas, babalik ako dito.