hindi ka pa ba ready na any moment puwedeng iwan na kayo ng tita mo? tanong sa akin ni bf.
lagpas ala-una ng madaling araw noon; nakaupo ako sa labas ng isang sikat na kapihan sa cubao. mahigit kalahati na ang naiinom ko sa aking mainit na inumin. hindi ko alam ang takbo ng aking isipan. mas malubha pa ito sa long exam sa calculus o analytical chemistry. ano ba ang dapat kong isipin? ano ba ang dapat kong maramdaman? manhid na ba ako? ah basta. hindi ko alam. nakatanaw lamang ako sa mga poste ng ilaw habang naghihintay sa kuya ko at sa girlfriend niya.
wala pang isang oras ang lumipas tumunog ang aking telepono. pagkasagot ko ay tumayo na ako at naglakad papunta sa tinigilan ng isang kotseng kulay abo.
kumusta? okay ka lang ba? ang tanong nila.
hindi ako nakasagot. hindi ko alam ang aking isasagot. nakatingin ako sa daan mula cubao hanggang sa kahabaan ng edsa. nasa nlex na kami nang ako'y nagsalita.
puwede ba tayong magstop-over? bili lang ako ng pagkain.
sa gasoline station patakbo akong bumaba papunta sa isang kilalang fast food restaurant.
humihiling pa sana ng isa pang kanta ang mga katrabaho ko kaso makikipagkita pa ako sa barkada ko. nagyayang lumabas ang operations manager namin ilang minuto bago ang uwian. dahil minsan lang naman magyaya ang boss namin, sumama na ako. tinext ko kaibigan ko na hahabol na lang ako sa birthday celebration niya.
ilang bote na rin ng beer ang aking nainom nang magtext ang kaibigan ko na magpupunta raw sila sa o-bar. doon na lang daw kami magkita. ayos lang yun para kung magkayayaang sumayaw hindi na ako mahihiya.
malapit na ang hatinggabi nang makaalis ako sa inuman. sakay na ako ng taxi papuntang ortigas nang matanggap ko ang tawag ng kuya ko. pagkababa ng tawag ay sinabihan ko ang driver na idiretso na lang sa cubao ang taxi.
ang dami mo yatang binili... sabi ni kuya.
hindi kami umuuwing magkakapatid ng walang pasalubong. magulo pa rin ang isip ko pero hindi ko nakalimutan yun. baka tanungin ako ni lola kung may cheeseburger akong dala para sa kanya. baka gutom din ang mga taong daratnan namin sa bahay.
alas-tres na ng madaling araw nang makadating kami ng pampanga. magkakasama sa sala sila mama at papa, ang bunso naming kapatid at boyfriend niya, dalawa naming tita at dalawa naming pinsan. andun din si lola pero wala pa siyang alam sa nangyari.
paci, wala na si lolo mo. sabi nila sa akin.
nilapitan ko sila. una kong niyakap si lola. buti pa si lola, dahil sa ulyanin na siya ay makakalimutan din niya kaagad ang sakit ng pagkawala ni lolo.
hindi ko alam kung paano maging handa sa araw na iyon na iiwan na rin kami ni tita. ang akala ko naging handa na ako noon kay lolo. hindi ako umiyak. hindi ko nagawang umiyak. pero hindi ibig sabihin ay hindi ako nasaktan at nangulila. ang alam ko lang, pagkatapos ng mga luha at pangugulila, maiiwan sa puso ko ang mga alaala.

1 comments:
Can anyone ever prepare for death? It knocks, regardless if we answer, it'll do what it wants. :(
I've missed reading you, Paci! :)
Post a Comment