magandang umaga po sa inyong lahat.
bago ko pa man sagutin ang tawag ng papa ko noong ala-una ng madaling-araw ng huwebes, alam ko na po ang nangyari - na iniwan na po ako ng aking pinakamamahal na ninang.
miyerkules noong huling uwi ko, ang sabi ko po sa kanya kung kaya pa niya akong hintayin, babalik ako pagkaraan ng isang linggo. pasaway po si ninang, hindi nakapaghintay ng isang linggo, akala niya isang buwan bago ako ulit umuwi kaya isang araw lang ang lumipas, pinauwi ako kaagad. sobrang pasaway ni ninang, hindi lang isang beses dapat ma-stroke, dapat dalawang beses pa. but wait, there's more. kailangan may cancer pa bago siya mapapayag na magpahinga. kasi palaban si ninang. kasi mukhang wala siyang kapaguran. kasi siya yung tipo na pagod na ang lahat, hindi pa siya pinapawisan.
ang sabi ni mama sa akin, mahirap pag tumanda kang walang asawa at anak tulad ni ninang. noong una ang pananaw ko hindi mahirap kasi sarili mo lang ang iisipin mo. ngayon ko lang napagisipan na sobrang hirap pala. hindi dahil walang magaaruga sa iyo pagtanda mo. mahirap kasi lahat ng taong malapit sa iyo ituturing mong asawa at anak. lahat ituturing mong kapamilya. kung papansinin niyo, lahat tayo itinuring na kapamilya ng ninang ko. hindi kailangang kadugo mo ang isang tao para masabi mong pamilya mo siya.
hindi siguro natin napansin dati na laging siya ang takbuhan natin pag may problema tayo. pero hindi namili ng tutulungan si ninang. sa kanyang mga simpleng paraan ipinadama at ipinakita niya sa ating lahat na hindi tayo nag-iisa pag may problema tayo. habang madami sa atin pinoproblema ang ating sariling pamilya, si ninang pinoproblema at ipinagdarasal lahat ng pamilyang kilala niya.
alam ko po noong panahong muntik ko nang itapon ang buhay ko, lagi niya akong ipinagtatanggol. kahit ano man ang sabihin ng ibang tao, sasabihin pa rin niya kung gaano ako kabait. hindi siya nawalan ng tiwala at bilib sa akin. alam kong ganoon din siya sa inyo. hindi niya nakakalimutan ang mga kabutihang ginawa ng isang tao sa kabila ng mga kamalian at kapintasan nito.
sa loob po ng isang taon nawalan po ng dalawang miyembro ang fans club ko. una si lolo juan ko, ngayon naman si ninang telay ko. nawalan po ako ng mga kakampi sa buhay. pero tinuruan nila ako, lalo na si ninang na iba-iba ang daan ng buhay ng tao. pero magkakaiba man ang daan, nasa sa atin kung magiging masaya tayo at kuntento sa mga bagay na ipinagkakaloob sa atin. alam ko pong naging masaya at kuntento si ninang sa kanyang buhay. walang araw na hindi siya nagpasalamat sa buhay niya kaya nagawa niyang ibahagi ang kanyang sarili sa ating lahat.
maraming salamat ninang telay.
imahe mula dito.

3 comments:
i am truly sorry for your loss, paci. hang in there.
thank you ^travis. i'm trying..
My condolences, Paci. This things are never easy. *rub rub*
Post a Comment